ANG KULTURANG POPULAR SA PANANAW AT PAGTANGGAP NG MGA GURO AT MAG-AARAL SA MGA PAARALANG SEKUNDARYA NG LUCBAN: BATAYAN NG PAGBUO NG MGA BANGHAY ARALIN SA FILIPINO 2 GAMIT ANG KULTURANG POPULAR

Completed2014

Abstract

Ang pag-aaral na ito ay naglayong alamin ang kulturang popular sa pananaw at pagtanggap ng mga guro at mag-aaral sa mga paaralang sekundarya ng Lucban bilang batayan ng pagbuo ng mga banghay aralin sa Filipino 2 gamit ang kulturang popular. Ang kulturang popular ay kasangkapan sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipang popular at sinasabing may kapangyarihang lumikha ng kulang at sobra sa tao. Kagaya ng naging lugar o role ng komiks, ng pelikula at mga teleserye. Sa paglipas ng panahon, ginamit ang mga ito sa pagpapalaganap ng kulturang popular na madali namang kinagat ng masa at kung minsan ay maging ang mga nasa alta sosyedad. Gamit ang talatanungan, isinagawa ang pag-aaral sa mga paaralang sekundarya sa Lucban, Quezon at nakakuha ng mga kasagutang kagaya ng mga sumusunod: Batay sa pag-aaral na isinagawa ng mananaliksik, natuklasan na pinakamarami sa mga mag-aaral at mga guro ang babaeng tagasagot. Sa mga gurong tagasagot, pinakamarami ang may edad 30 hanggang 34 at mayroong 11- 20 taon nang nagtuturo, at nakatapos ng Bachelor’s degree. Ang kabuuang 228 na mag-aaral ay kinuha ng tagapagsaliksik sa iba’t ibang mga paaralan sa Lucban kung saan ang pinakamarami ay galing sa Paaralang Sekundarya ng Lucban o PSL. Sa mga nabanggit na kasagutan malinaw na sinabi ng mga guro na nasasagot naman ng mga pamamaraan ang mga tanong na may mataas na antas tungkol sa mga pangyayari sa paaralan, pamayanan, kalagayan, usapin, balita sa radio at balitang local sa paggamit ng kulturang popular. Ayon naman sa mga magaaral, nalilinang ang paggamit ng kulturang popular sa kanilang mga aralin. Sa dalawang grupo ng tagasagot, ang mga pamamaraang ginagamit ng guro ay nagpakita ng mga pamamaraan kung saan ginagamit ang kulturang popular, at ang mga mag-aaral ay nagpapatotoo na sa pag-sasadula at pagrereport pinakamalimit magamit ang kulturang popular. Sinabi ng dalawang grupo na ang problema sa paggamit ng kulturang popular sa pagtuturo ay ang walang sapat na aklat na maaaring gamitin upang magawa ang kailangang leksyon. Sa paggamit ng mga pamamaraan sa istadistika, (Levene's Test for Equality of Variances at t-test for Equality of Means, nakita na ang pananaw ng mga guro at mag aaral ay walang pagkakaiba, sa mga nabanggit na aspeto maliban sa pananaw nila sa mga suliraning kinakaharap sa paggamit ng kulturang popular sa pagtuturo sa asignaturang Filipino. At batay sa mga natuklasan at konklusyon, iminumungkahi na linangin ng mga guro ang sariling kakayahan at talento sa pamamagitan ng paglahok sa mga worksyap na may kaugnayan sa pagtuturo ng Filipino gamit ang kulturang popular. Gayundin, pagsikapang rebyuhin ang mga natamong kaalaman at kasanayan mula sa mga lektyurs at seminar na may kinalaman sa pagtuturo ng asignaturang Filipino. Payabungin ang mga kaalamang natamo sa pamamagitan ng patuloy na pagbabasa ng ilan sa maraming nakalimbag na mga babasahin sa internet, journals, magazines at iba pa at gumawa ng paraan upang madagdagan pa ang mga kagamitan lalo na ang mga aklat na gagamiting batayan at iba pang mga kagamitang makabago upang makatulong sa pagtuturo ng asignatura at nang sa ganoon ay matulungan ang pagkaunawa ng mga mag-aaral gamit ang kulturang popular. Maaari ring humingi ng ayuda o tulong mula sa lokal na pamahalaan o iba pang donor o mapagkawanggawang mga organisasyon o tao upang madagdagan pa ang mga aklat sa aklatan at iba pang mga kailangan ng paaralan.

Keywords

Kulturang popular
Banghay Aralin
infoNotice
To view the full research, please contact our research department.