Antas ng Kahusayan sa Paggamit ng mga Sanggunian sa Pagbuo ng Argumentatibong Sanaysay ng mga Piling Mag-Aaral sa Ika-Labing Isang Taon ng HUMSS Strand sa Ilalim ng E-Learning sa Isang Paaralan ng Pagbilao Quezon

Completed2022

Abstract

Naglalayon ang pag-aaral na ito na matukoy ang antas ng kahusayan sa paggamit ng mga sanggunian sa pagbuo ng argumentatibong sanaysay ng mga mag-aaral ngayong E-learning. Gumamit ang pag-aaral na ito ng kwantitatibo at kwalitatibong pananaliksik na ginamitan ng talatanungan at pagsusulit sa pamamagitan ng pagbuo ng argumentatibong sanaysay. Sa pananaliksik na ito, karamihan sa mga tagatugon ay mga kababaihan na mas nakikitaan ng aktibong partisipasyon kumpara sa mga kalalakihan, “Filipino” ang ginagamit na unang wika, at may minsanang pagbasa ng mga lathalaing napapanahon ang karamihan sa mga tagatugon at madalas ang pagsusulat ng mga sanaysay. Ipinakita naman sa resulta ng antas ng kahusayan sa paggamit ng mga sanggunian sa pagbuo ng argumentatibong sanaysay na ginagamit ng mga tagatugon ang kanilang mga sangguniang nakuha bilang pagpapatibay ng kredibilidad ng kanilang panig na pinili. Ngunit isa sa bawat limang tagatugon lang ang mayroong talasanggunian o mga link na kinakailangan upang matukoy ng mananaliksik ang katiyakan ng mga sangguniang inilagay sa mga sanaysay. Ayon sa epekto ng paggamit ng mga sanggunian sa pagbuo ng argumentatibong sanaysay, ipinakita ng datos na ang paggamit ng sanggunian ay nakatutulong sa pagbuo ng mahusay na istruktura ng argumentatibong sanaysay, mas nakahihikayat ang argumentatibong sanaysay kapag may mga sanggunian na maayos ang pagkakahanay, nakatutulong ang mga estadistikong numero ng mga pag-aaral upang mahikayat ang mga mambabasa, ang mga sanggunian ay nagsisilbing basehan ng argumento, patunay sa pahayag, at suporta sa mga ideya, at mas makatotohanan ang argumentatibong sanaysay kung gumagamit ito ng mga sanggunian may estadistikong numero sa pagpapaliwanag na may kabuuang weighted mean na 4.61. Samantalang, ayon sa antas ng kaangkupan ng nakuhang sanggunian ng mga mag-aaral sa pagbuo ng argumentatibong sanaysay, ipinakita naman ng datos na may sapat na ideya upang makumbinsi ang mga mambabasa sa iyong panig na pinili na may weighted mean na 4.56. Batay sa mga datos na ito, inererekomenda ng mananaliksik na bigyan pansin ang pagtuturo ng mga tekstong nakakapanghikayat sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang seminar sa mga mag-aaral ng HUMSS strand upang lubos na mahasa ang galing sa larangan sulating nakahihikayat. Lubos itong makatutulong upang maihanda ang mga mag-aaral ng HUMSS strand sa hinaharap sapagkat nakapaloob dito karamihan ang mga larangan o propesyong ginagamitan ng mga panghihikayat.

Keywords

argumentatibo
argumentatibong sanaysay
elearning
HUMSS strand
sanggunian
sanaysay
infoNotice
To view the full research, please contact our research department.